IBCTV13
www.ibctv13.com

DPWH, ipinatupad ang merit at performance-based na reassignment ng mga opisyal para wakasan ang ‘palakasan’

Kristel Isidro
91
Views

[post_view_count]

Department of Public Works And Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon in his first flag raising ceremony as Public Works chief. (Photo courtesy of DPWH)

Opisyal nang ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kautusang gawing merit at performance-based ang reassignment at appointment ng mga pangunahing opisyal alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, tuluyan nang wawakasan ang tinatawag na “palakasan” sa pagtatalaga ng mga opisyal dahil magiging pangunahing batayan ng kanilang promosyon at reassignment ay ang maayos, on-time na completion ng mga proyekto, at ang kalidad ng pagpapatupad ng mga ito.

Sakop ng bagong patakaran ang mga Regional Directors (RD), Assistant Regional Directors (ARD), District Engineers (DE), at Assistant District Engineers (ADE).

Kabilang sa pamantayang isasaalang-alang ang performance ranking ng kanilang dating tanggapan, financial procurement management rating, resolusyon ng reklamo ng stakeholders, at pagsunod sa Strategic Performance Management System (SPMS).

Kokonsiderahin din sa reassignment ang haba ng panunungkulan sa kasalukuyang posisyon, maging ang findings at rulings ng mga investigative, quasi-judicial, o judicial bodies kaugnay ng mga nakabinbing kaso.

Samantala, upang maiwasan ang partisipasyon sa partisan politics at posibleng conflict of interest, uunahin sa reassignment ang mga opisyal na lumampas na sa itinakdang tenure.

Limang taon ang maximum na tenure para sa RD at ARD sa isang assignment, habang tatlong taon naman ang para sa DE at ADE.

Sa pamamagitan nito, inaasahan ng ahensya na mapalalakas ang kanilang operational efficiency at maibabalik ang tiwala ng publiko sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan. – VC