
Ikakasa na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang malawakang waterways clearing operations sa Metro Manila bilang bahagi ng hakbang sa flood mitigation.
Nakatakda itong ilunsad sa susunod na linggo, Nobyembre 12 sa Parañaque City, kung saan personal na iinspeksyunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang DPWH.
Sa presentasyon ni DPWH Secretary Vince Dizon sa Metro Manila Council (MMC), aabot sa mahigit 30 ilog at estero, at 70 pumping stations, at drainages ang isasailalim sa paglilinis upang maiwasan ang matinding pagbaha sa kalakhang lungsod.
Ayon kay Dizon, aprubado na ng Pangulo ang plano at inaasahang sisimulan sa panahon ng amihan, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, iba’t ibang ahensya, at pribadong sektor.
Kasama sa operasyon ang pag-demolish ng mga iligal at hindi epektibong imprastraktura, kabilang ang ilang pumping stations na nakahahadlang sa daloy ng tubig.
Tiniyak naman ng kalihim na may inihahandang relocation area para sa mga pamilyang maaapektuhan bago isagawa ang demolisyon.
Buo rin ang suporta ni MMDA Chairman Atty. Don Artes at ng mga alkalde ng Metro Manila, na tutulong sa pagtukoy sa mga obstruction sa mga daluyan ng tubig. (Ulat mula kay Crystal Ramizares) –VC











