Naglabas na ng show-cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa driver ng isang sports utility vehicle (SUV) na may plakang ZMM842 matapos mahuling iligal na nag-U-turn sa EDSA-Aurora underpass bandang 8:30 ng umaga nitong Martes, Oktubre 8.
Ito ay kasunod ng inihaing reklamo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa driver.
“We already received a formal complaint from [Metropolitan Manila Development Authority] Chairman Don Artes regarding this incident and this is now the subject of our investigation. Our immediate response was to issue an SCO,” saad ni LTO Chief Vigor Mendoza II.
Makikita sa video na inilabas ng MMDA na kumaliwa ang nasabing SUV at sumampa sa center island ng tunnel para makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada.
Pagbibigay-diin ng ahensya, inilagay ng driver sa panganib ang buhay ng ibang motorista at sinakop pa nito ang daanan ng EDSA Bus Carousel.
Pinahaharap ang driver sa LTO Central Office sa darating na Lunes, Oktubre 14 dala ang kanyang sasakyan at written explanation kung bakit ginawa ang maling pagmamaniobra.
Kabilang sa mga posibleng kaharaping kaso ng SUV driver ang Reckless Driving and Obstruction of Traffic sa ilalim ng Republic Act No. 4136 o the Land Transportation and Traffic Code. -VC