IBCTV13
www.ibctv13.com

DSWD, naka-blue alert dahil sa Bagyong Ada; mahigit 2.7M food packs at tulong, naka-standby na

Kristel Isidro
74
Views

[post_view_count]

Photo courtesy of PNA

Ipinatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang blue alert status bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Tropical Depression Ada, ang kauna-unahang bagyong pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong taon.

Ayon kay DSWD Asst. Secretary Irene Dumlao, ang blue alert ay ikalawang antas ng alerto kung saan isinasagawa ang mas pinaigting na paghahanda ng ahensya laban sa paparating na kalamidad.

Sinabi ni Dumlao na patuloy ang koordinasyon ng DSWD at ng mga field offices nito sa mga lokal na pamahalaan para sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyo.

Naka-standby na rin ang mahigit 2.7 milyong family food packs sa iba’t-ibang rehiyon para sa agarang pamamahagi ng tulong.

Batay sa PAGASA, inaasahang lalakas ang Bagyong Ada at posibleng maging tropical storm sa loob ng 24 oras habang binabaybay ang Bicol Region, Eastern Visayas, at ilang bahagi ng CARAGA.

Dahil sa suspensyon ng ilang biyahe sa mga pantalan, nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa port authorities at LGUs upang magbigay ng tulong sa mga locally stranded individuals.

Nakaantabay naman ang mga disaster response vehicle, mobile kitchens, mobile water stations, at mobile command centers, habang pinaalalahanan ng DSWD ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan para sa kaligtasan ng lahat. – VC