
Nagbabala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kakasuhan ng economic sabotage ang mga kontratista at opisyal ng pamahalaan sakaling mapatunayan na sila ay sangkot sa iregularidad sa multi-billion peso flood control projects sa bansa.
Ito ay matapos ang kanyang inspeksyon sa dapat sana ay buo nang concrete riverwall structure sa Baliwag City, Bulacan ngayong Miyerkules, Agosto 20 na nadatnan niyang walang anumang konstruksyon.
“Magiging mas maayos mula sa irrigation, fresh water supply for households. Pero itong ginagawa nila talagang nakakapinsala sa mga local residents. I’m not disappointed. I’m angry,” pahayag ng Pangulo.
Alinsunod sa naging direktiba ng punong ehekutibo sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, ipinag-utos na ng Commission on Audit (COA) na magsagawa ng fraud audit sa lahat ng flood control projects sa Bulacan, na nakatanggap ng pinakamalaking pondo sa Central Luzon mula 2022 hanggang 2025.
Kasabay nito, hinihikayat din ni Pangulong Marcos Jr. ang publiko na patuloy na magsumbong ng mga anomalya sa flood control projects sa kani-kanilang lugar sa pamamagitan ng website na ‘Sumbong sa Pangulo’ upang mapaigting ang transparency at pananagutan ng bawat kinauukulang ahensya at kumpanya. – AL