Opisyal nang sinimulan ng Commission on Elections (Comelec) ang election period para sa 2025 Midterm Elections ngayong Linggo, Enero 12, na magtatagal hanggang Hunyo 11.
Layon nitong matiyak ang maayos at ligtas na National, Local at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliament elections sa darating na Mayo 12.
Kasabay nito ay sinimulan na rin ng Philippine National Police (PNP) ang mahigpit na pagpapatupad sa nationwide gun ban o pagdadala ng mga baril at armas, maliban kung mayroong special permit mula sa Comelec.
Ang sinumang mahuhuling lalabag sa umiiral na kautusan ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon.
Maaari namang maharap sa ‘permanent disqualification’ sa posisyon ang mga mahuhuling kandidato o public officials.
Kabilang pa sa mahigpit na ipatutupad sa buong election period ang mga sumusunod:
– Paggamit ng mga security personnel o body guatd ng kandidato, maliban kung pahihintulutan ng Comelec
– Pagbabago ng teritoryo ng isang presinto o pagtatatag ng isang bagong presinto
– Paglipat ng opisyal o empleyado sa serbisyong sibil, maliban kung aprubahan ng Comelec
– Pag-organisa ng mga reaction force, strike force o aumang similar forces
– Pagsususpinde ng elective provincial, city, municipal o barangay officer nang walang pag-apruba sa Comelec
Bukod dito, sinimulan na rin ng pulisya ang paglalatag ng Comelec checkpoints sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang matiyak ang kapayapaan sa nalalapit na hahalan.
Sa huling datos ng PNP, mahigit 1,400 checkpoints na ang naipakalat sa buong bansa simula pa kaninang madaling araw.