
Isa nang ganap na batas ang Republic Act 12124 o ang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes, Marso 3.
Sa ilalim ng bagong batas, pahihintulutang makakuha ng degree sa kolehiyo ang mga Pilipino, partikular ang mga ‘working professional’ nang hindi na kailangang dumaan sa traditional schooling methods.
Pangungunahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagpapatupad ng ETEEAP kung saan kasama sa tungkulin nito ang pagtatalaga ng higher education institutions (HEIs) na may academic degrees para sa nasabing programa.
Nakasaad din sa batas na responsibilidad ng CHED ang pagsubaybay at pagsusuri sa implementasyon ng ETEEAP ng mga HEI, pagsasagawa ng broad-based at inter-agency consultation meetings, gayundin ang pagtatakda ng standard fee at iba pang administrative charges para sa accreditation ng programa.
Maaaring mag-apply sa ‘equivalency and accreditation’ ng ETEEAP ang mga Pilipinong hindi bababa sa 23 taong gulang, nakatira man sa Pilipinas o hindi, basta’t kumpleto o pasok sa iba pang requirements.
Kabilang sa tinatanggap sa programa ang mga nakapagtapos sa sekondaryang paaralan at mayroong hindi bababa sa limang taong karanasan sa trabaho na may kaugnayan sa academic degree program na ina-applyan. – VC