Wala nang binabantayang low pressure area (LPA) ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na maaaring makaapekto sa bansa sa mga susunod na araw.
Batay sa 5:00 a.m. weather forecast ng PAGASA ngayong Sabado, Nobyembre 2, tanging maninipis na kaulapan ang mararanasan sa malaking bahagi ng bansa.
Patuloy namang umiiral ang Easterlies o hangin na nanggagaling sa Karagatang Pasipiko sa silangang bahagi ng Luzon at Visayas.
Ayon sa PAGASA, asahan ang ‘fair weather conditions’ sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa maliban na lang sa biglaan at panandaliang pag-ulan dala ng localized thunderstorms lalo na sa hapon o gabi.
Patuloy na pinag-iingat ang publiko sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon.