IBCTV13
www.ibctv13.com

FDA, pinadali ang proseso ng pag-export ng pharmaceutical products at active pharmaceutical ingredients sa bagong admin order

122
Views

[post_view_count]

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa nakaraang sectoral meeting noong Pebrero 2024, ang Food and Drug Administration (FDA) sa pamumuno ni Director General Samuel A. Zacate, ay naglalayong mas palakasin at paigtingin ang sektor ng kalusugan at mabilis na maipamahagi ang mga gamot sa publiko.

Layunin ng ahensya na tiyakin ang kaligtasan, bisa, at kalidad ng mga health products, pinadali ng FDA ang proseso ng pag-export ng mga pharmaceutical products at Active Pharmaceutical Ingredients (APIs) sa pamamagitan ng bagong Administrative Order (AO) No. 2024-0012 na may pamagat na “Prescribing the Rules and Regulations on the Registration of Pharmaceutical Products and Active Pharmaceutical Ingredients Intended Solely for Export.”

Batay sa Section 15 ng Executive Order (EO) No. 175 s. 1987, na nag-amyenda sa Republic Act (RA) No. 3720, o ang “Food, Drug, and Cosmetic Act,” at RA No. 9711, o ang “Strengthening of the Food and Drug Administration (FDA) Act of 2009,” walang gamot o aparato na maaaring likhain, ibenta, i-angkat, i-export, o ipamahagi kung hindi ito rehistrado ayon sa mga alituntunin na itinakda ng Kagawaran ng Kalusugan.

Ang mga pharmaceutical products na nakatakdang i-export ay kinakailangang sumunod sa mga regulasyon ng National Drug Regulatory Authority (NDRA) ng bansang tumatanggap. Tinitiyak ng bagong mga patakaran na hindi maituturing na adulterated o misbranded ang isang produkto kung ito ay sumusunod sa mga pamantayan ng foreign purchaser, naaayon sa batas ng bansang tatanggap at may tamang label na “intended for export.”

Nakatuon ang FDA sa pagpapaunlad ng industriya ng pag-e-export habang pinapanatili ang pinakamataas na pamantayan ng kalusugan at kaligtasan para sa mamamayang Pilipino. (FDA)