Isinusulong ngayon ng isang mambabatas sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong magpataw ng ‘death penalty’ sa pamamagitan ng firing squad sa mga opisyal ng pamahalaan na corrupt.
Sa ilalim ng House Bill 11211 o ang ‘Death Penalty for Corruption Act’ na inihain ni Zamboanga Representative Khymer Olaso, papatawan ng parusang kamatayan ang mga opisyal ng pamahalaan na napatunayang nagkasala sa Sandiganbayan ng mga kasong may kinalaman sa korapsyon gaya ng Graft, Malversation of Public Funds, at Plunder.
Nakasaad din sa panukala na sakop nito ang lahat ng opisyal ng pamahalaan, maging sila man ay inihalal ng taumbayan o itinalaga lamang sa posisyon.
Kabilang sa mga ito ang mga nasa Executive, Legislative at Judiciary Branches, Constitutional Commissions, Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP).
Samantala, hindi naman ipatutupad ang firing squad maliban kung:
“Section 5. Safeguards to Ensure Due Process
a) The conviction has been affirmed by the Supreme Court
b) The conviction has undergone the mandatory automatic review process as required by the Constitution and other applicable laws; and
c) The accused has exhausted all legal remedies available under Philippine law, including appeals and motions for reconsideration.”
Ayon kay Olaso, ang Section 5 ng panukala ay naglalayong tiyakin na hindi maaagrabyado ang karapatan ng mga akusado habang sinisiguro rin na ang naturang parusa ay ipapataw lamang kung napatunayan ang kanilang pagkakasala.
Dagdag ng mambabatas na sa pamamagitan ng panukala ay matutugunan ang panawagan na tapusin ang laganap na korapsyon sa bansa at hindi kailanman kukunsintihin ang pandaraya at pang-aabuso sa pondo ng bayan. – AL