
Nakitaan ng malaking pagbaba ang mga kaso ng focus crimes sa bansa mula Enero 1 hanggang Hunyo 6 ngayong taon, kumpara sa kaparehong panahon noong 2024, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Sa ginanap na 1st Joint National Peace and Order Council at Regional Peace and Order Council (NPOC-RPOC) meeting, iniulat ang pagbaba sa 31.85% ng kaso ng rape; 30.21% sa physical injuries habang 26.47% sa robbery.
Iniugnay ni Remulla ang mga positibong datos sa pinaigting na kampanya kontra loose firearms, ang pagkakasabat ng 12,891 piraso ng mga iligal na baril at pagkakaaresto ng 5,314 katao, kung saan 4,096 dito ang nasampahan na ng kaso.
Sa kampanya laban sa droga, umabot na sa 22,649 ang naisagawang anti-illegal drug operations ng mga otoridad.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 24,148 drug suspects at pagkakakumpiska ng mahigit 200,000 gramo ng ilegal na droga na may halagang P2.17 bilyon.
“Rest assured, this Council shall continue to explore new ways to protect our communities against crime and disorder. through our collective actions, we can fortify public safety and ensure that the rule of law prevails,” mensahe ni Remulla.
Hinikayat din ng kalihim ang mga bagong regional at local peace and order council chairpersons na paigtingin ang good governance sa pagbuo at pagpapatupad ng mga hakbang para sa kapayapaan at kaayusan.
Samantala, pinagtibay ng NPOC ang isang resolusyon na nagbibigay parangal sa mga dating RPOC Chairpersons na nagsilbi mula 2022 hanggang 2025, kabilang na sina yumaong Gov. Roel Degamo ng Negros Oriental at Gov. Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya. – VC