Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na nakahanda ang ahensya para tumugon sa pangangailangan ng mga maaapektuhan ng Super Typhoon Pepito, partikular na ang pamimigay ng food packs.
“Ang Department of Social Welfare and Development ay nakahanda. Nakahanda po tayo na tumugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan na maaapektuhan ng Bagyong Pepito,” saad ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao.
Mahigit 500,000 family food packs (FFPs) ang naka-preposition sa iba’t ibang probinsya sa bansa.
Kabilang aniya sa tinututukang mga lugar ng ahensya ang Ilocos at Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region, at Calabarzon.
“While we continue to respond to areas that have been affected by Typhoons Nika and Ofel, patuloy pa rin tayo na nagpapadala ng mga karagdagan din na mga family food packs not just as a response action but also as part of our prepositioning para talagang lahat po ng mga mangangailangan ng tulong ay atin pong mapapahatiran,” pagtitiyak ni Dumlao.
Nakahanda na rin ang mga FFPs sa Bicol Region, partikular na sa Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte at Albay.
Ayon kay Dumalo, naghatid na ang DSWD ng karagdagang 30,000 food packs sa Bicol kung saan nagbababa rin ito ng higit 50,000 food packs para naman sa Cagayan Valley region.
Inaaasahang higit na maaapektuhan ng bagyong Pepito ang Eastern Visayas, Bicol region, Central Luzon, Ilocos, Cagayan Valley at Cordillera regions ngayong linggo.