Ipinabatid ng legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito makadadalo sa pagdinig sa House Quad Committee ngayong Martes, Oktubre 22.
Ayon sa sulat na ipinadala ng kanyang abogadong si Martin Delgra III sa House Committee on Dangerous Drugs, hindi maganda ang pakiramdam ni Duterte dahil sa sunod-sunod na event na kinailangan nitong puntahan.
“Unfortunately, despite his keen intention to attend, my client respectfully manifests that he cannot attend the public hearing set on October 22. Aside from the short notice given him, my client just arrived in Davao from Metro Manila last October 17,” saad ni Delgra sa sulat.
“Considering his advanced age and the several engagements he had to attend, he is currently not feeling well and is in need of much rest,” dagdag niya.
Ngunit inihayag naman ng dating Pangulo sa kanyang kampo na nais niyang dumalo sa mga susunod na pagdinig matapos ang Nobyembre 1.
Matatandaan na ibinunyag ni retired police colonel Royina Garma ang kanyang mga nalalaman tungkol sa umano’y kaugnayan ni Duterte at ng iba pang mga high-ranking official sa extrajudicial killing na naganap noong kasagsagan ng kampanya sa war on drugs ng dating administrasyon.
Dahil dito ay nitong Linggo lamang ay inimbitahan siya na dumalo sa pagdinig ng komite upang malaman ang kanyang panig ukol sa naturang isyu. —AL