
Kinumpirma ng Malacañang na may posibilidad na makulong ng 30 taon o higit pa si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga krimen na isinampa laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC) mula sa kampanyang war on drugs ng kanyang administrasyon noon.
Paliwanag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro, ang hatol sa dating Pangulo ay depende pa sa magiging resulta ng paglilitis ng ICC at sa bigat ng mga ebidensyang ihaharap laban sa kanya.
“But it depends upon defenses that can be availed of by the former president,” saad ni Castro.
Samantala, bago dalhin mismo sa ICC si Duterte ay haharap muna siya sa local court sa Netherlands upang alamin kung ang proseso ng kanyang pagkakaaresto ay nakasunod sa kanilang pamantayan.
Tiniyak naman ng Palasyo na nasa maayos at mabuting kondisyon si Duterte habang nasa Dubai, kung saan siya ay pansamantalang nananatili para mag-layover bago tuluyang lumipad sa Netherlands.
Wala ring abiso mula sa mga doktor kung may karamdaman o nasa kritikal na kondisyon si Duterte nitong mga nakaraang araw kaya hindi na siya kinailangang dalhin sa ospital para matingnan.
Matatandaan nitong umaga ng Martes, Marso 11, inaresto ang dating Pangulo sa NAIA Terminal 3 pagdating ng kanilang pamilya mula sa Hong Kong.
Gayunpaman, muling iginiit ng Malacañang na hindi bumabalik ang Pilipinas sa ICC at sumusunod lamang sa patakaran na nakapaloob sa International Criminal Police Organization (INTERPOL). – VC