Wala nang proteksyon o ‘immunity’ si dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga kasong kriminal matapos ang kanyang termino bilang Pangulo, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Sa isang panayam, sinabi ni Justice Undersecretary Jesse Andres na ang immunity ng isang Presidente ay tumatagal lamang habang siya ay nasa pwesto at sa oras na matapos ang kanyang panunungkulan sa bansa.
Kaya naman binigyang-diin ni Andres na ang naging panawagan ni FPRRD na kudeta sa sandatahang militar ng bansa laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay may ligal nang pananagutan at maaaring ituring na inciting to sedition.
“Unang-una po, walang role ang military sa civil governance. Ayon po sa ating Revised Penal Code, punishable po ‘yan na nag-aalis kayo ng suporta sa duly constituted authorities. Inciting to sedition po ‘yan kapag nanghihikayat kayo ng ibang tao, lalo na ang militar,” paliwanag ni Andres.
Tinutulan din niya ang pahayag ng dating Pangulo na ‘fractured governance’ dahil wala itong batayan at konsepto sa Saligang Batas.
Maliban dito ay patuloy sa pagseserbisyo sa mamamayang Pilipino ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng mga pampublikong ospital at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Ang public hospitals are there helping, DSWD, social work is doing its work everyday, civil courts po ay bukas. Lahat ng pamahalaan ng gobyerno na tumutulong at nagde-deliver ng serbisyo. Wala pong humihintong fractured governance,” dagdag niya.
Samantala, nananatiling nakatuon ang administrasyon sa ibang mas mahahalagang hamon na kinakaharap ng bansa ngunit patuloy na nakatutok ang DOJ sa mga pahayag at kilos ng kampo ng mga Duterte upang masiguro ang kaligtasan hindi lamang ng First Family kundi maging ng mga mamamayang Pilipino. – VC