Nagpahayag ng suporta si Senator Loren Legarda sa pag-apruba sa franchise renewal ng Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC 13) na nakatakda nang mapaso sa taong 2025.
Isinagawa ang deliberasyon sa P2.28-billion proposed 2025 budget ng Presidential Communications Office (PCO) at attached agencies nito ngayong Huwebes, Oktubre 3, sa pangunguna ni Senate Committee on Finance chair Legarda.
Matatandaang sinang-ayunan din ni Senate President Chiz Escudero ang pagpasa sa Charter renewal ng radio-TV network kasama ng ilan pang ahensya gaya ng National Housing Authority (NHA) at Power Sector Assets & Liabilities Management Corporation (PSALM).
Ayon kay Escudero, mahalaga na maaksyunan ang mga mahahalagang panukala kahit na hindi bahagi ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority list.
Noong 2023, sinuportahan ng mga mambabatas ang paglalaan ng pondo sa IBC-13 ngayong taon na nakatulong upang tuluyang mabayaran ang retirement claims ng mga dating empleyado. — VC