
Nagsimula nang makatanggap ng tulong-pinansyal ang mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng Fuel Subsidy Program (FSP) ng Department of Transportation (DOTr) ngayong Martes, Marso 24.
Bahagi pa rin ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang pamamahagi ng tulong para sa sektor ng transportasyon na pangunahing apektado ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa DOTr, aabot sa P2.5 bilyon ang inilaang pondo para sa FSP kung saan makikinabang ang 245,066 driver-beneficiaries, at operators ng 1,180,783 units ng public utility vehicles (PUVs) na kinabibilangan ng mga sumusunod:
-Modern at traditional jeepneys
-Taxi
-Transport Network Vehicle Services (TNVS)
-Bus
-Point-to-Point (P2P) bus
-Filcab
-UV Express
-School bus
-Tricycle
-Delivery services
Narito naman ang kumpletong detalye para sa halaga ng subsidiya at mode of payment sa mga nabanggit na benepisyaryo ng PUV:
Samantala, magpapatuloy pa rin ang paghahatid ng ayuda sa mga transport worker na mula naman sa Assistance for Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod sa mga driver at operators na tatanggap ng FSP, makatatanggap din ng tulong-pinansyal ang mga konduktor mula naman sa cash assistance ng DSWD matapos pahintulutan ni Secretary Rex Gatchalian.
Magtutulungan pa rin sa pamamahagi ng tulong ang dalawang ahensya upang matiyak na masusuportahan ang lahat ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon sa bansa. – MP











