Sa kanyang kauna-unahang pagdalo sa pagdinig ng Senado ay binigyang-diin ng dating Pangulong si Rodrigo Roa Duterte na handa siyang panagutan ang umano’y extrajudicial killing (EJK) mula sa ipinatupad nitong ‘War on Drugs’ sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“I and I alone take full legal responsibility sa lahat ng nagawa ng mga pulis pursuant to my order,” saad ni Duterte sa kanyang opening statement.
Inamin din ng dating presidente na personal niyang ipinag-utos sa kapulisan na barilin at patayin ang sinumang drug suspects na manlalaban at magbabanta sa kanilang buhay.
“Kung may baril, at kung tingin mo sabi ko sa mga pulis mamamatay ka, barilin mo, barilin mo sa ulo patayin mo at least 1 less criminal in the community,” pahayag nito.
Pinangunahan ni Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang pagdinig ng Blue Ribbon Sub-Committee ng Senado para sa isyu ng ‘War on Drugs’ na umano’y ipinatupad ni Duterte noong naupo ito sa pagkapresidente.
“Let us follow the evidence with thousands of deaths caused by the Duterte administration’s ‘War on Drugs’. We have caused one death to many. Sobrang dami naman yata niyan para sabihin na nanlaban lang,” saad ni Pimentel.
Samantala, ipina-subpoena na rin ng komite para sa susunod na pagdinig ang dating General Manager ng Philippine Charity and Sweepstakes Office (PCSO) na si Royina Garma pati na ang dating National Police Commission Chief na si Edilberto Leonardo na kapwa hindi nakadalo ngayong araw. – VC