IBCTV13
www.ibctv13.com

Garma: Davao-style na ‘war on drugs’, ipinag-utos ni FPRRD noong 2016

Ivy Padilla
324
Views

[post_view_count]

Former PCSO general manager Royina Garma implicated former President Rodrigo Roa Duterte in the extra judicial killings as part of his administration’s war on drugs campaign during the 8th public hearing of the Quad Committee of the House of Representatives on October 11, 2024. (Photo by House of Representatives)

Emosyonal na isiniwalat ni dating Philippine Charity and Sweepstakes Office (PSCO) General Manager Royina Garma ang kanyang mga nalalaman sa ipinatupad na ‘War on Drugs’ ni dating President Rodrigo Duterte sa isang pagdinig sa House Quad Committee nitong Biyernes, Oktubre 11.

Sa bagong sworn affidavit, ikinuwento ni Garma na nakatanggap siya ng tawag mula kay dating Pangulong Duterte noong May 2016 kung saan ipinag-utos nito na puntahan siya sa kanyang tahanan sa Davao City.

Inutusan umano siya ni Duterte na maghanap ng isang Philippine National Police (PNP) officer na miyembro rin ng Iglesia ni Cristo, na kayang magpatupad ng War on Drugs sa buong bansa na siyang ihahalintulad sa ‘Davao Model’ system.

Dito ay ipinakilala niya ang kanyang upperclassman sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si Edilberto Leonardo na kalauna’y inatasan ni Duterte na bumuo ng task force para sa War on Drugs.

Ayon mismo kay Garma, ang Davao Model ay isang ‘payment and rewards system’ na ginagamit sa paglaban sa iligal na droga sa nasabing lungsod.

“The Davao Model involves three levels of payments or rewards. First is the reward if the suspect is killed. Second is the funding of planned operations or COPLANS. Third is the refund of operational expenses,” saad ni Garma.

Umabot mula P20,000 hanggang P1-milyon ang reward para sa police operatives na nakapatay ng umano’y drug suspects depende sa ‘rank’ nito.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig, humingi ng tawad si Garma sa mga biktima ng extrajudicial killings.

Handa raw ito na magbigay pa ng ibang detalye sa quad committee kaugnay sa war on drugs ng nagdaang administrasyon.