
Nakatakdang ilunsad ng Government Insurance Service System (GSIS) ang Ginhawa Solar Energy Loan (GSEL) program, na magpapahintulot sa mga kawani ng pamahalaan na umutang ng hanggang P500,000 para sa paglalagay ng solar panel system sa kanilang mga tahanan.
Layunin ng programa na suportahan ang inisyatiba ng gobyerno sa pagtitipid ng enerhiya habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa tensyon sa Middle East.
Ayon sa GSIS, bahagi ang GSEL program ng kanilang green loan initiative na nagtataguyod ng paggamit ng renewable energy na inaasahang magbabawas ng carbon footprint at magpapababa ng bayarin sa kuryente ng mga miyembro.
Sa ilalim ng programa, maaring umutang ang mga kwalipikadong miyembro nang may 5% na interes, at babayaran sa loob ng limang taon nang may katumbas na buwanang hulog at service fee.
Kung ang isang miyembro ay mangungutang ng P500,000, aabot sa P10,416.67 ang kanyang buwanang amortisasyon.
Kasama rin sa loan package ang tatlong taong insurance coverage para sa sunog, lindol, kidlat, at bagyo, na magkakabisa sa oras na makumpleto na ang solar installation at makapagsumite ng patunay.
Inaprubahan ng GSIS Board of Trustees ang P12.5 bilyon na pondo para sa loan program, habang P60 milyon naman para sa insurance coverage ng mga solar panel.
Maaaring mag-apply sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile applications, kung saan maaaring mag-upload ang mga miyembro ng supplier quotation, installation contract, o opisyal na resibo para sa reimbursement.
Inaasahang makikinabang ang mga magpapakabit ng solar panel sa net metering system ng pamahalaan kung saan maaaring ibenta ang sobrang kuryenteng nalilikha ng kanilang solar pabalik sa power grid.
Tatagal ang GSEL sa loob ng tatlong taon sa paunang implementasyon kung saan susuriin ng ahensya ang resulta ng programa bago tuluyang palawigin.
Kwalipikadong mag-avail ng loan ang mga aktibong miyembro ng GSIS na may permanent, regular o non-career status at nakapagsilbi sa pamahalaan nang hindi bababa sa tatlong taon. – VC











