Magsisimula nang magpatupad ng gun ban sa buong bansa simula sa Enero 12, kasabay ng pagsisimula ng election period para sa 2025 Midterm Elections sa Mayo.
Tuwing election period ay isinasagawa ang gun ban upang masiguro ang mapayapa at ligtas na kampanya hanggang sa eleksyon.
“This coming Sunday, January 12, is the start of the election period. We remind the public that we will start our nationwide gun ban on the same day,” paalala ni Brig. Gen. Jean Fajardo, Philippine National Police (PNP) spokesperson.
Batay sa datos ng PNP mula Enero hanggang Nobyembre 2024, may kabuuang 8,628 indibidwal ang nahuli ng mga kapulisan matapos lumabag sa Firearm and Ammunition Regulation Act.
Nasabat sa kanila ang 25,240 loose firearms kung saan karamihan ay mula sa Central Visayas na sinundan ng Western Visayas at Metro Manila.
Samantala, nagsagawa naman ng reassignment para sa 1,308 na police officers na mayroong mga kamag-anak na kakandidato sa darating na eleksyon. – VC