Nanawagan ang Department of Agriculture (DA) sa mga mambabatas na muling isulong ang panukalang batas na magbibigay ng half-cup rice option sa mga food establishments upang matugunan ang problema sa pag-aaksaya ng bigas.
Sa datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), umabot sa 340,000 metriko toneladang bigas ang nasayang mula 2018 hanggang 2019, at 255,000 metriko tonelada nitong Nobyembre 2024.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, nais ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na buhayin ang panukalang batas na nag-aalok ng half-cup rice.
“Gustong i-revive ni Secretary (Francisco Tiu Laurel Jr.) iyong bill na ma-offer ‘yung half rice. Matandaan natin ang mga previous authors nito sa Congress, sa 16th Congress, si President Marcos Jr., noong senator siya.” saad ni de Mesa.
Ipinunto pa ng opisyal ng DA na kung bibigyan ng isang tasa at hindi naman mauubos, awtomatikong sayang ang kalahati nito.
“Kasi pag binigay mo sa kanya one cup rice agad at hindi niya kayang ubusin, ano na ‘yun? Automatic wastage na ‘yung kalahati. Not unlike kung merong opportunity na ma-offer sa kanya ‘yung half rice,” saad ni de Mesa.
Sa kasalukuyan, tatlong mambabatas ang nagsusulong para sa pagbubuhay ng panukalang batas ukol sa half-cup rice — sina Quezon 4th District Rep. Keith Micah Tan, AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones, at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin.
Bukod sa half-cup rice option, sinabi ni de Mesa na maaaring mag-alok din ang mga food establishments ng alternatibong carbohydrates tulad ng kamote at mais.
Habang hinihintay ang pagpasa ng batas, humiling si Hazel Beltran, head ng PhilRice Development and Communication Division, kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maglabas ng executive order upang gawing available ang half-cup rice option sa lahat ng ahensya ng gobyerno.
“PBBM fully supports iyong half cup ordinance kasi nga naalala niya na siya iyong unang nag-submit nun. Pero ita-try muna natin lahat ngayon sa government agencies. So, lahat dapat ng kainan sa government agencies mag-offer ng half cup,” saad ni Beltran.
Mula sa dami ng bigas na nasasayang, katumbas ito ng 2.79 milyong tao na kayang masustentuhan ng kanin sa loob ng isang taon. – VC