Umabot na sa P996,662,070.43 ang halaga ng tulong na inihatid ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga komunidad na apektado ng nagdaang bagyong Kristine at Leon, batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Biyernes, Nobyembre 1.
Nasa 2,028,282 pamilya o katumbas ng 7,953,766 na indibidwal ang naapektuhan ng mga nagdaaang kalamidad sa buong bansa.
81,716 pamilya o 311,980 katao rito ang kasalukuyang nanunuluyan sa loob ng evacuation centers habang nasa 88,304 na pamilya o 431,596 na indibidwal naman ang nasa labas ng mga pasilidad.
Sa kasamaang palad, pumalo na sa 150 katao ang naiulat na nasawi, 122 katao ang nasaktan habang 30 ang nawawala at patuloy na pinaghahanap.
Dahil sa pinsala ng mga bagyo, idineklara na ang state of calamity sa 220 mga lungsod at munisipalidad kabilang ang National Capital Region, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, MIMAROPA at Regions 1, 2, 8, at 12.
Bukod dito, naitala rin ng NDRRMC ang kabuuang P4,467,500,427.27 na halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura at P6,829,780,026.45 naman sa imprastraktura.
Patuloy pa rin ang ginagawang relief mission sa mga lugar na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na tulungan hanggang sa muling makabangon ang mga biktima. -AL