
Matagumpay na natulungan ng Pag-IBIG Fund ang 90,616 na miyembro ng kanilang ahensya nitong 2024 matapos maglabas ng P129.73 billion na pautang para sa pabahay.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, patuloy na ginagampanan ng Pag-IBIG ang mandato na gawing abot-kaya ang pagkakaroon ng sariling bahay para sa mga manggagawang Pilipino.
“Our achievements in home financing this past year underscore our unwavering pledge to make homeownership accessible and affordable for our members,” saad ni Acuzar.
“As we gain momentum with the Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program, we continue to heed President Marcos’s directive to provide stronger social protection and improve the lives of more Filipinos,” dagdag niya.
Ayon naman kay Pag-IBIG Fund CEO Marilene C. Acosta, kabilang sa mga natulungan noong 2024 ang 9,082 minimum-wage earners, na nakapag-avail ng socialized housing units.
Bukod dito, may P20.17 billion ding inilaan para sa 17,791 4PH housing units upang mas maraming Pilipino ang makabili ng sariling bahay.
Sa pamamagitan ng Housing Loan Program ng Pag-IBIG, maaaring pondohan ng mga miyembro ang pagpapagawa ng bahay, pagbili ng residential lot, ready-for-occupancy unit, o maging ang pagbabayad ng existing housing loan sa ibang bangko.
May diskwento rin sa mga acquired assets ng ahensya, pati na ang subsidized interest rates sa mga brand-new homes sa ilalim ng 4PH Program.