
Bilang pagpapakita ng suporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mainit na tinanggap ng mahigit 100,000 Waray ang senate slate sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa ginanap na grand rally sa Tacloban City, Leyte nitong Biyernes, Marso 14.
Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang makasaysayang kaganapan at binigyang-diin na patunay ang pagkakaisang ipinakita ng mga taga-Eastern Visayas na buo ang kanilang suporta sa liderato ng administrasyon.
“Hindi lang ito isang rally—ito ay isang paninindigan na ipagpapatuloy natin ang mga repormang magpapalakas sa ating ekonomiya at magbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino,” ani Romualdez.
Hinimok din ng lider ng Kamara ang mga botante na suportahan ang mga kandidatong tutulong kay Pangulong Marcos Jr. na paunlarin ang bansa.
“Ang mga kandidatong ito ay maaasahang magpapatuloy ng reporma ni Pangulong Marcos. Ang boto natin para sa kanila ay boto para sa mas maraming trabaho, mas magandang edukasyon, at mas maayos na serbisyong pampubliko,” paglalahad ni Romualdez.