IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit 1,000 pangalan na ginamit ng OVP bilang recipients ng confidential funds, walang birth records – PSA

Ivy Padilla
715
Views

[post_view_count]

Lumabas sa beripikasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang birth records ang 1,322 indibidwal o ‘two-thirds’ ng kabuuang 1,992 mga pangalang nakalista bilang recipient umano ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Sa bilang na ito, 670 na mga pangalan lamang ang tinukoy bilang “most likely matched” sa record ng kanilang database. 

Napag-alaman din ng PSA na walang marriage record ang 1,456 na mga pangalan kung saan 536 lamang ang may posibleng “match” habang wala ring death records ang aabot sa 1,593 na mga nakalista. 

Matatandaang naghain kamakailan ng request ang House Blue Ribbon Committee sa PSA upang matukoy ang civil registry records ng mga pangalang nauugnay sa umano’y maanomalyang confidential funds. 

Binigyang-diin ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na matibay na ebidensya ang lumabas na resulta na gawa-gawa lamang ang acknowledgement receipts (AR) na isinumite upang ma-justify ang P500-milyong confidential fund expenditure ng OVP at DepEd. 

“This certification from the PSA leaves little doubt—if these names cannot be found in the civil registry, it strongly suggests they do not exist. The ARs may have been manufactured to justify the disbursement of confidential funds,” saad ni Rep. Chua. 

“These findings raise a critical question: if the recipients don’t exist, where did the money go? This is not just a clerical error; this points to a deliberate effort to misuse public funds,” dagdag pa niya. 

Una nang kinumpirma ng PSA na wala sa kanilang database ang mga pangalan na ‘Mary Grace Piattos’ at ‘Kokoy Villamin’ na kapwa nakalagda sa ARs na ipinasa ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (COA).