IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit 2.5-M kabahayan, nakabitan ng kuryente sa ilalim ng Marcos Jr. admin

Divine Paguntalan
140
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. reports the state of the energy sector under his term. (Photo from PCO; Meralco)

Alinsunod sa adhikaing ‘total electrification’ sa bansa, iniulat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na umabot na sa higit 2.5 milyong kabahayan ang napailawan sa unang tatlong taon ng kanyang termino.

Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na isa sa mga pinatutukan niya nang maupo sa pwesto ang naabutang higit limang milyong kabahayan na walang kuryente.

Binigyang-diin ng Pangulo ang patuloy na malawakang pagsusumikap ng Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA) upang matapos na ang nalalabing target sa mga susunod na taon.

“Hahabulin at tutuparin ng DOE at NEA ang nakatakdang dami ng mga kabahayang makakabitan ng kuryente ngayong taon hanggang 2028,” saad ni Pangulong Marcos Jr.

Kabilang sa mga lugar na inaasahang mahahatiran ng sapat na kuryente ay ang Quezon, Camarines Norte, Palawan, Masbate, Samar, Negros Occidental at Zamboanga del Sur.

Target din ng administrasyon na matapos ang halos 200 planta na inaasahang makapagbibigay ng suplay ng kuryente sa apat na milyong kabahayan, higit 2,000 pabrika, at halos 7,000 tanggapan at negosyo.

Maliban pa sa conventional grid connection, ibinahagi rin niya ang plano na gamitin ang solar power home systems para madagdagan pa ng higit isang milyon ang kabahayan sa bansa na makikinabang sa kuryente bago matapos ang kanyang termino.

Tiniyak naman ng DOE at NEA na tututukan ang mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs), kung saan pangunahing hamon ang kakulangan ng imprastraktura at transportasyon para sa distribusyon ng enerhiya. – VC

Related Articles