IBCTV13
www.ibctv13.com

Higit 328,000 tricycle drivers sa labas ng NCR, tatanggap ng P5,000 ayuda simula Abril 8 – DSWD

Khengie Hallig
167
Views

[post_view_count]

The Department of Social Welfare and Development (DSWD) distributed P5,000 cash relief assistance to tricycle drivers at Marikina City last March 20. (Photo from DSWD)

Sisimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng cash relief assistance (CRA) para sa mga tricycle driver sa labas ng National Capital Region (NCR) sa darating na Miyerkules, Abril 8.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking mabibigyan ng tulong ang mga apektado ng pagtaas ng presyo ng langis, partikular na sa sektor ng transportasyon, bunsod ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, higit 328,000 tricycle drivers mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ang inaasahang makatatanggap ng P5,000 halaga ng CRA.

Inaasahan namang madaragdagan pa ang bilang ng benepisyaryo sa oras na makuha ang reports mula sa mga DSWD Regional Field Offices.

Nilinaw ng ahensya na magmumula ang mga listahan ng benepisyaryo sa mga local government units (LGUs) na nag-isyu ng kanilang permit sa pamamasada.

Sasailalim naman sa deduplication process ang mga listahang gagamitin sa payouts upang maiwasan ang doble-dobleng pangalan, masigurong tama ang mga detalye sa listahan, at tiyaking walang kulang.

Inaabisuhan ng DSWD ang lahat na umantabay sa kanilang opisyal na Facebook page para sa buong detalye ng isasagawang pamamahagi kabilang na ang payout areas, schedules, at iba pang mahahalagang impormasyon. – VC