
Mahigit apat na milyong magsasaka at mangingisda ang inaasahang makatatanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Agriculture (DA) sa Abril at Mayo bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni DA Assistant Secretary U-Nichols Manalo na manggagaling ang P10 bilyong pondo sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) at P150 milyon mula sa Fuel Assistance Project ng ahensya.
Ayon kay Manalo, aabot sa 4,172,418 magsasaka at mangingisda ang makatatanggap ng P2,325 bawat isa sa Mayo sa ilalim ng PAFFP.
Ang lahat ng may intervention monitoring card (IMC) ay direktang matatanggap ang tulong sa kanilang mga account sa pamamagitan ng top-up, habang ang mga wala nito ay mabibigyan sa mga isasagawang caravan.
Nasa 14,439 magsasaka ang makatatanggap ng tig-P5,000, habang 15,669 mangingisda ang mapagkakalooban ng tig-P3,000 mula sa Fuel Assistance Project.
Sa kabila ng pressure na idinudulot ng sigalot sa presyo ng langis, logistics, at suplay ng mahahalagang agricultural inputs, sinabi ni Manalo na nagsimula na ang DA na magpatupad ng mga hakbang upang magbigay ng agarang tulong sa mga magsasaka at mangingisda na apektado. – VC











