Tumaas pa sa P256,507,934.03 ang halaga ng tulong na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga biktima ng nagdaang bagyong Nika, Ofel at Pepito, batay sa DROMIC report as of 6:00 a.m. ngayong Huwebes, Nobyembre 21.
Umangat rin sa 1,095,676 pamilya o katumbas ng 4,047,380 katao ang ang apektado ng kalamidad mula sa 6,857 barangay sa Regions I,II,III, CALABARZON, MIMAROPA, V, VIII at Cordillera Administrative Region.
Sa ngayon, pansamantalang tumutuloy ang 50,097 pamilya o 182,669 indibidwal sa 1,268 na binuksang evacuation centers habang mas pinili namang manatili ng 35,057 displaced families sa labas ng temporary shelters.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), umakyat na sa 12 ang napaulat na nasawi kung saan lima (5) dito ay validated na.
Patuloy naman ang paghahatid ng tulong ng DSWD para sa mga biktima ng bagyo alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang kalinga ang mga nasalanta ng kalamidad. – AL