
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magsisimulang maglabas ng fuel subsidy ang Department of Transportation (DOTr) para sa mga apektadong driver at operator ng big-time oil price hike sa huling linggo ng Marso.
Ito ay iba pa sa P5,000 tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis program na nagsimulang ipamahagi ngayong araw sa 139,000 tricycle drivers sa Metro Manila.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, may P2.5 bilyong pondo ang DOTr para sa fuel subsidy.
“Linawin ko lang po, dalawang programa po ito. Sa AICS po limang libo po iyan. Alalahanin natin na mayroon ding P2.5-B fuel subsidy under DOTr,” ani Lopez.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng subsidiya ang mga driver ng bus — provincial, metro, at P2P; taxis — regular taxis; jeepney — traditional at modern, at school service.
Kasama rin sa makatatanggap ng tulong ang TNVS, airport, at MC taxis.
Sisimulan ng DOTr ang distribusyon sa oras na makuha ang pondo para rito.











