Kinumpirma ng National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) ang buwan ng Hulyo 2024 bilang pinakamainit na Hulyo na naitala sa kasaysayan ng mundo habang nasa 77 porsyento ang tyansang maging pinakamainit na taon ang 2024.
Nitong Hulyo, umabot sa 1.21 degrees Celsius na mas mataas sa ‘20th century global average’ na 15.8 degrees ang naranasan ng mundo.
Hulyo 2024 din ang ika-14 na magkasunod na buwan na nakapagtala ng ‘record-breaking month’ sa kasaysayan ng mundo ayon sa nasabing US scientific environmental agency.
Kaugnay nito, naitala ng mga kontinente ng Africa, Asya, at Europa ang kanilang pinakamainit na buwan ng Hulyo sa kasaysayan habang ayon naman sa World Meteorological Organization (WMO), isa na ang Hulyo 2024 sa pinakamainit na buwan mula pa noong 1850.
Samantala, dito naman sa Pilipinas na kasalukuyang nasa La Niña Watch, nananatili pa rin sa 70% ang posibilidad ng pagsisimula ng nasabing weather phenomenon sa bansa pagsapit ng August-September-October (ASO) Season na maaaring magpatuloy hanggang sa unang bahagi ng 2025.