Kasabay ng state visit ni South Korean President Yoon Suk Yeol sa Pilipinas, magkasama nilang sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglagda sa iba’t ibang mga kasunduan na nakatuon sa sektor ng maritime, imprastraktura, enerhiya, at iba pang mga key area ng dalawang bansa.
Kasunod ito ng bilateral meeting ng dalawang lider kung saan napag-usapan ang pagpapalakas pa sa ugnayan ng Pilipinas-South Korea.
Kabilang sa mga nilagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Philippine Coast Guard at ng Korea Coast Guard on Maritime Cooperation; MOU para sa Economic Innovation Partnership Program (EIPP); at ang MOU para sa Strategic Cooperation on Critical Raw Material Supply Chains.
Nilagdaan din ang MOU para sa isang feasibility study tungkol sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP); Loan Agreement para sa Samar Coastal Road II Project at MOU para sa Laguna Lakeshore Road Network Project Phase I (Stage I) at Panay-Guimaras-Negros Island Bridges Project.
Kabilang pa sa naselyuhan ang Implementation Program para sa MOU sa pagitan ng Department of Tourism ng Pilipinas at Ministry of Culture, Sports, and Tourism ng SoKor para sa taong 2024-2029.
Ang mga bagong kasunduan ay bahagi ng aktibidad ni President Yoon sa kanyang state visit sa bansa para sa selebrasyon ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng bilateral relation ng dalawang bansa. – VC