IBCTV13
www.ibctv13.com

ICC Prosecutors, ipinababasura ang hiling na interim release ni FPRRD

Ivy Padilla
104
Views

[post_view_count]

Former President Rodrigo Duterte (Photo by ICC)

Pormal nang hiniling ng prosecution ng International Criminal Court sa ICC Pre-Trial Chamber I na ibasura ang aplikasyon na ‘interim release’ ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isinumiteng dokumento nitong Hunyo 23, ipinababasura ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye ang hiling ng abogado ni Duterte, Nicholas Kauffman, na pagpapalaya sa dating Pangulo sa isang bansa na handang kumupkop sa kanya.

“The Prosecution’s position is that Mr. Duterte’s continued detention is necessary to ensure his appearance at trial, ensure that he does not obstruct or endanger the investigation or court proceedings, and prevent him from committing crimes within the jurisdiction of the Court,” saad sa dokumento.

Binanggit din ng prosecution ang plano ng pamilya Duterte na iuwi ang dating lider pabalik sa Pilipinas.

Bagaman nangako ang kanyang kampo na hindi na gagawa ng krimen ang dating Pangulo, hindi pa rin isinasantabi ng prosecution ang pahayag umano ni Duterte na dodoblehin ang mga pagpatay sa oras na makabalik sa bansa.

Kasalukuyang nakakulong si dating Pangulong Duterte sa The Hague, Netherlands dahil sa mga kasong may kaugnayan sa war on drugs sa ilalim ng kanyang dating administrasyon. – VC