Matagumpay na nalagdaan ang ilang bilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at United Arab Emirates matapos ang naging pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes, Nobyembre 26.
Kabilang sa mga kasunduan ay tungkol sa pagpapaunlad ng “culture, energy transition, legal cooperation, artificial intelligence and digital economy, the improvement of government activities, visa waiver for holders of diplomatic, special, and official passports, and investment cooperation.”
Umaasa ang Pangulo na tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng mga kooperasyong ito katuwang ang UAE.
Ikinatuwa din niya ang pangangalaga at pagrespeto ng pamahalaan ng UAE sa Filipino community sa kanilang bansa.
“I expressed the appreciation of the Philippines for the UAE government’s care and respect for the Filipino community in the UAE. In response, the UAE President commended the Filipino people for their contributions towards UAE’s development,” mensahe ng punong ehekutibo.
Kasabay nito, ipinagpasalamat ng Pangulo ang patuloy na pagbibigay ng humanitarian support ng UAE sa Pilipinas matapos ang sunud-sunod na nagdaang bagyo sa bansa kamakailan.
Sa kanyang arrival statement, iniulat ng Pangulo ang kanyang imbitasyon kay UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan na muling bumisita sa Pilipinas para ipagpatuloy ang kanilang pagpupulong kaugnay sa pagpapaigting ng diplomatikong samahan ng dalawang bansa. – VC