IBCTV13
www.ibctv13.com

Imbestigasyon vs VPSD, patunay na ‘no one is above the law’ – DOJ

Divine Paguntalan
159
Views

[post_view_count]

Vice President Sara Duterte. (Photo by Office of the Vice President)

Nanindigan ang Department of Justice (DOJ) na sinusunod lamang ng ahensya, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP), ang rule of law kaugnay sa imbestigasyon kay Vice President Sara Duterte.

Ipinaliwanag ni Justice Undersecretary Jesse Andres na mabigat na ebidensya ang pagsasapubliko ng Bise Presidente ukol sa kanyang pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez kaya dapat lamang itong seryosohin

“Ang isang banta sa Pangulo ay banta sa lahat ng Pilipino. That is how important the role of DOJ now, pinangangalagaan po natin ang safety ng lahat ng tao kaya this is a test case for us. Kailangan po magkaroon tayo ng accountability, rule of law applies to everyone and no one is above the law,” pahayag ni Andres sa panayam sa kanya sa Bagong Pilipinas Ngayon.

Bagaman posibleng pumasok ang kanyang pagbabanta sa paglabag sa Anti-terror Law, nilinaw ni Andres na hindi agad ito tumutukoy na isa siyang terorista.

“Iba proseso yung tinatawag nating designation as terrorist, ibang ebidensya ang kailangan doon ngunit hindi naman kailangan na madesignate kang terrorist bago ka lumabag sa provision ng Anti-Terror Law, kaya po nililiwanag natin na hindi natin bina-brand na terrorist si Vice President ngunit posible siyang maging liable under the law,” paglilinaw ng opisyal ng DOJ.

Matatandaang naghain na ng subpoena ang NBI para sa kanilang imbestigasyon kasunod ng mga naging aksyon ng Bise Presidente kung saan ipinapaharap siya upang magpaliwanag sa tanggapan sa Biyernes, Nobyembre 29.

Posible namang ma-reschedule ang kanyang pagharap dahil sumabay ang imbestigasyon sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng Kongreso kaugnay sa umano’y maanomalyang paggamit ng Office of the Vice President at Department of Education ng confidential funds.

Ani Andres, handa naman silang ilipat ang araw ng imbestigasyon kung maghahain ng request si VP Duterte ngunit agad din itong isasagawa sa susunod na linggo.

“Marahil po ay pagbibigyan namin na ma-reschedule ito ngunit agad-agad din possibly Monday or Tuesday next week kailangan pong matuloy dahil napakaimportante ng gagawin naming imbestigasyon. Seryoso po ang sitwasyon, seryoso ang banta,” dagdag niya.

Samantala, malaki rin ang posibilidad na ipatawag si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa NBI kasunod ng kanyang naging pahayag na kudeta sa Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa kasalukuyang administrasyon, alinsunod sa ‘due process’ na nakasaad sa batas.

Sa ngayon ay patuloy ang monitoring ng kinauukulan sa kampo ng mga Duterte dahil sa kanilang mga pahayag na nagbabanta hindi lamang sa mga opisyal ng pamahalaan kundi sa buong seguridad ng mga Pilipino. – VC