
Magandang balita para sa mga Pilipino dahil mas mabilis, mas mura, at mas malawak na internet access ang inaasahan matapos mapirmahan ang implementing rules and regulations ng Konektadong Pinoy Act.
Layunin nitong pabilisin ang koneksiyon, pababain ang presyo ng internet service, at palawakin ang access sa mga lugar na unserved, underserved, at sa mga geographically isolated and disadvantaged areas.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ilang buwang konsultasyon ang isinagawa kasama ang mga stakeholders mula National Capital Region (NCR), Cebu, at Davao—kasama ang suporta ng World Bank—upang masiguro na ang IRR ay tugma sa pangangailangan ng industriya at mamamayan.
Sa ilalim ng bagong IRR, binubuksan ang Data Transmission Industry sa mas maraming qualified players, kahit walang congressional franchise, basta pasado sa technical at security standards. Layunin nitong pasiglahin muli ang investment sa telecommunications industry at pabilisin ang fiberization ng bawat tahanan sa buong bansa.
Tiniyak ng pamahalaan na ang Konektadong Pinoy ay hakbang tungo sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabigyan ang bawat Pilipino ng mabilis, matatag, at maaasahang internet connection.
“Ngayon, sa pag-aanunsyo ng IRR, handa na tayong simulan ang fiberization ng bawat tahanan sa buong bansa—isang mahalagang hakbang para mabigyan ang bawat Pilipino ng mabilis, matatag, at maaasahang connection,” pahayag ni DICT Sec. Henry Aguda. (Ulat mula kay Eugene Fernandez)











