
Palalawigin na ng Department of Agriculture (DA) sa mga jeepney at tricycle driver ang “Bente Bigas Meron Na!” Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. simula Oktubre.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., isasagawa ang initial rollout ng murang bigas sa limang pilot areas sa Setyembre 16, kabilang ang Navotas City na may higit 4,000 accredited drivers batay sa datos ng Department of Transportation (DOTr).
Layunin ng phased rollout na matulungan ang iba’t ibang sektor at mangalap ng mahahalagang datos tungkol sa konsumo ng bigas, logistics at supply requirements para sa planong nationwide expansion sa 2026.
Kaugnay nito, ilulunsad ng DA ang P20 App sa Oktubre 1 upang palakasin pa ang sistema at tiyakin ang maayos na logistics, transparency at maiwasan ang pag-abuso sa produktong bigas.
Tiniyak din ni Laurel na sapat ang suplay ng bigas kung saan magkakaroon pa ng auction ng 1.2 milyong sako ng bigas mula sa National Food Authority (NFA).
Bago ito, iaalok muna ang stocks sa government relief agencies at ang sobrang suplay ay ipapasa sa pribadong sektor.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. ang pagpapatuloy ng P20 rice program hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028. – VC