Handang aralin ng ilang miyembro ng House of Representatives ang pagkakaroon ng batas na magbabawal sa sinumang indibidwal na may kinakaharap na kaso na tumakbo sa eleksyon.
Kasunod ito ng mga kontrobersyal na paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng ilang personalidad na nais tumakbo sa 2025 Local and National Elections.
Binigyang-diin ni Manila Rep. Bienvenido Abante na napapanahon na para aralin ang paghihigpit sa mga aspirant na may kaso kahit pa hindi pinal ang kanilang conviction.
Aniya, ang sinumang sangkot sa heinous crime na may probable cause ng Korte Suprema ay hindi na dapat payagang tumakbo.
Suportado rin ni 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez ang sentimiyento lalo na kung ang kaso ay moral turpitude dahil ito ay nakasaad sa Omnibus Election Code.
“Personally, I think the omnibus election code is sufficient in that candidates would be disqualified for final judgment of crimes involving moral turpitude…I think we have a more full-bodied jurisprudence to stick by the standard of moral perpetuity po para hindi na malito-lito,” saad ni Gutierrez.
Habang wala pang batas kontra sa mga naturang indibidwal, ang tanging payo ng mga mambabatas sa publiko ay bumoto nang tama. -VC