Nakaranas ng 14 na serye ng pagbuga ng abo ang bulkang Kanlaon sa Negros Island na tumagal ng dalawa hanggang 65 minuto, batay sa 24 oras na pagmamanman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Kabilang na rito ang apat na ash emission na nakunan ng Canlaon City Basler Camera at Lower Masulog Thermal Camera bandang 12:00 p.m. – 12:12 p.m., 3:07 p.m. – 3:22 p.m., 6:56 p.m. – 8:01 p.m. at 8:41 p.m. – 9:23 p.m. nitong Sabado, Enero 25.
Nagdulot ito ng 100 hanggang 900 metrong taas ng abo na napadpad sa direksyong timog-kanluran.
Bukod dito, naitala rin sa bulkan ang 35 volcanic earthquakes kabilang ang 11 volcanic tremors na may 4 hanggang 38 minuto ang haba.
Naglabas din ang Kanlaon ng 2,413 tonelada ng asupre kung saan nakitaan ng pamamaga sa bahagi nito.
Nananatiling nakasailalim sa Alert Level 3 ang Kanlaon Volcano.