IBCTV13
www.ibctv13.com

Karagdagang pondo, nakahanda para tulungan ang mga lugar na sinalanta ng kalamidad – DBM

Ivy Padilla
120
Views

[post_view_count]

File Photo of Budget Secretary Amenah Pangandaman (Photo by DBM)

Tiniyak ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman na nakahanda ang Contingent Fund at Local Government Support Fund (LGSF) para sa mga lugar na hinagupit ng sunud-sunod na kalamidad nitong mga nakaraang buwan.

Sa gitna ng pangamba na nauubos na ang Quick Response Funds (QRF) ng ilang ahensya dahil sa nagdaang bagyo, ipinaliwanag ni Pangandaman na ang QRF ay hinati sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na gagamitin para sa ‘relief and rehabilitation efforts’ lalo na sa oras ng sakuna.

“Meron po nito ang Department of Agriculture, ang DepEd po, DSWD, DILG, PNP, BFP, OCD, DPWH, DOH, at DOTr-PCG,” saad ni Pangandaman.

As of October 24, mayroong P30-bilyong pondo ang mga kinauukulang ahensya kung saan nasa P15-bilyon na ang naipalabas at nagamit.

Pagsapit ng Nobyembre, kinulang na ang pondo ng ilang ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Public Works and Highways (DPWH) kaya’t humingi na ito ng pampalit o ‘replenishment’.

“Ang magandang balita naman po dito is meron pa po tayong Contingent Fund. More or less meron pa po tayo diyang P7 billion. So, ‘yan po ang pinaka-unang source na pwede nating gamitin,” saad ni Pangandaman.

Sakaling maubos ang Contingent Fund, maaaring gamitin ang pondo sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations (UA) ayon kay Pangandaman.

Para naman sa local government units, sinabi ni Pangandaman na pwedeng mag-request sa DBM ng Local Government Support Fund – Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FA to LGUs).

“Noong mga nakaraang taon po, hindi po kasama sa menu ang mga typhoon at natural disasters. Kaso nga po dumadami ang mga typhoons at mga disasters, so dinagdagan po natin ‘yung listahan sa menu ng LGSF na kung kinakailangan po, puwede tayong magbigay ng tulong sa ating local government units na nasalanta,” paliwanag nito.

Patuloy ang pagtiyak ng DBM na handa ang pamahalaan na maglaan ng pondo para sa mga biktima ng bagyo alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan silang makabangon. -VC

Related Articles

National

Ivy Padilla

52
Views