Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi dapat i-tokhang o hayaan na lamang na mamatay ang katotohanan kasabay ng kanyang pagpapaalala sa lahat ng government officials na patuloy na protektahan ang bansa at kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino.
Ani Pangulo, wala na sanang ‘drama’ kung binibigyang kahalagahan ang pagdalo sa mga imbitasyon ng pagdinig sa Senado at Kamara gayundin ang pagsagot sa mga tanong kaugnay sa imbestigasyon ng drug war sa nakalipas na administrasyong Duterte.
“Ang katotohanan ay hindi dapat i-tokhang. Tapos na sana ang usapang ito kung tutuparin lamang ang sinumpaang panata na bilang lingkod-bayan ay magsabi ng totoo, at hindi hahadlangan,” saad ni Pangulong Marcos Jr.
“Kaya hindi tama ang pagpigil sa mga halal ng bayan sa paghahanap ng katotohanan. Hindi na sana hahantong sa ganitong drama kung sasagutin lamang ang mga lehitimong katanungan sa Senado at sa House of Representatives,” dagdag niya.
Binigyang-diin pa ng Pangulo na kailangan magkaroon ng pananagutan o magsalita ng diretsahan ang mga taong sangkot sa isyu upang maliwanagan ang buong bansa sa katotohanan.
Dagdag niya, sa pamamagitan nito ay ipinagkakaloob ng bawat isa ang paggalang sa proseso ng batas at tiwala na ibinigay ng mga Pilipino sa pamahalaan. – VC