
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inagurasyon ng kauna-unahang mobile soil laboratory (MSL) sa Pilipinas na makatutulong upang mabawasan ang hamon na kinakaharap ng mga magsasaka sa kanilang pagsasaka.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng Pangulo na ang procurement ng MSL ay maituturing na ‘historical landmark’ na may mahalagang gampanin sa sektor ng agrikultura.
“Ito kaya ngayon, ang araw na ito’y makasaysayan — dahil makasaysayang hakbang na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng agrikultura sa ating adhikain nang masiguro ang sapat na pagkain, mauunlad na pamayanan, at mas nagkakaisang bayan,” saad ng Pangulo.
“Ang tagumpay na ito ay patunay ng ating walang pagod na hangarin na patatagin ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng pagalalay sa ating mga magsasaka,” dagdag niya.
Ang MSL ay isang customized 10-wheeler truck na binubuo ng mga makabagong kagamitan, pasilidad, at safety features na may kapasidad na magsagawa ng 44 soil chemical, physical, at microbiological parameter kung saan kaya nitong maibigay ang mga lab test result sa loob ng limang araw.
Ito ay bahagi ng proyekto ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM) sa ilalim ng National Soil Health Program at libreng magbibigay ng serbisyo sa kanilang inisyal na operasyon.
“Layunin ng proyektong ito na bigyan ang ating mga magsasaka ng kaalaman at teknolohiyang magagamit nila na siyentipiko na paraan ng pagsasaka,” mensahe ng Pangulo.
“Sa ganitong paraan, mapapangalagaan nila ang kalusugan ng kanilang lupa, magagamit nang tama ng pataba, at makakamit ang mas mataas na ani,” dagdag pa nito.
Planong i-deploy ng BSWM ang kanilang MSL sa National Soil and Water Resources Research Development Center Lowland Ped-Ecological Zone sa San Ildefonso, Bulacan para magserbisyo sa mga magsasaka mula sa Region III.
Plano rin ng ahensya na makapag-procure ng karagdagang 16 na units ng MSL na ide-deploy naman sa mga nalalabing rehiyon sa bansa. – VC