Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng isang lady driver matapos dumaan sa EDSA busway sa bahagi ng Santolan Station nitong Lunes, Disyembre 2.
Sinubukan pa manuhol ng driver ng halagang P500 sa mga kawani ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) nang pahintuin para sa kanyang lisensya.
Dahilan ng driver, siya ay dalawang (2) buwang buntis at may medical emergency na pupuntahan.
Bukod sa bribery, nilabag din ng babaeng driver ang influence peddling matapos magpakita ng calling card ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at tumangging magbigay ng lisensya at vehicle registration.
“The blatant disregard for the law and the brazen attempt to use bribery and influence to escape consequences will not be tolerated. We are committed to ensuring that all drivers, regardless of their background or perceived connections, are held accountable for their actions,” pahayag ni Jonathan Gesmundo, Spokesperson ng DOTr-SAICT.
Nag-isyu na ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) para ipatawag ang driver sa pagdinig.
Nitong Lunes din, isang ambulansya ang dumaan sa busway kung saan nakabukas pa ang wang-wang at may sakay na lalaking nagpanggap naman bilang pasyente.
Sa kabila ng mga pasaway na motorista, patuloy na pinaiigting ng DOTr-SAICT ang pagpapatupad ng batas-trapiko sa kahabaan ng EDSA upang mapanatili ang ligtas na biyahe para sa lahat habang mahigpit na nagpaalala na huwag nang subukan na manuhol sa mga traffic enforcer. – VC