IBCTV13
www.ibctv13.com

LANDBANK: Lahat ng transaksyon ay malinaw, legal, at naaayon sa tamang proseso

190
Views

[post_view_count]

Mariing pinabubulaanan ng LANDBANK ang anumang paratang hinggil sa tiwaling paghawak umano nito ng accounts ng mga kontratista ng gobyerno, kasama na ang para sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang lahat ng transaksyon na isinagawa ng LANDBANK ay naaayon sa batas at regulasyon ng pagbabangko sa Pilipinas, at mahigpit na sumusunod sa mga alituntunin at mandato ng pamahalaan.

Nilinaw nito na ang pondong idineposito sa account ng mga kontratista ay galing sa Department of Budget and Management (DBM), na nakapaloob sa General Appropriations Act (GAA), na ipinasa ng Kongreso, at ibinayad ng DPWH.

Ito ay malinaw na pondong galing sa gobyerno. Kaya’t wala ring kapangyarihan ang LANDBANK, o anumang bangko, upang pigilan o kuwestiyunin ang mga pondong naitalaga na ng gobyerno.

Upang maisagawa ang mga proyekto ng pamahalaan, lahat ng kontratista nito ay obligadong magbukas at magpanatili ng account sa mga bangko, tulad ng LANDBANK, alinsunod sa DBM Circular No. 2018-14 at Bureau of the Treasury (BTr) Circular No. 3-2018. Siniguro ng LANDBANK na nasunod ang lahat ng “Know Your Client” (KYC) requirements at iba pang dokumentong kailangan bago mabuksan ang mga account na ito.

Ayon sa mandato ng Anti-Money Laundering Act (AMLA):

  • Kung ang cash withdrawal ay higit ₱500,000, awtomatiko itong nirereport sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
  • Kapag may kahina-hinalang transaksyon, agad din itong iniuulat sa AMLC.

Sa sitwasyong ito, malinaw na ang pondo ay galing sa gobyerno — may tamang gamit, at maayos na mga dokumentong isinumite ng DPWH. Sa makatuwid, walang batayan sa ilalim ng batas para pigilan ang paglabas ng pondo.

Muli, nililinaw ng LANDBANK na ang tungkulin nito ay tiyaking tama ang pagproseso ng mga transaksyon nang naaayon sa batas, at labas sa mandato nito ang pag-iimbestiga.

Ang LANDBANK ay patuloy na naninindigan sa integridad ng operasyon nito, pagsunod sa mga batas at alituntunin, at pangangalaga sa tiwala ng publiko. Handa rin itong makipagtulungan sa mga awtoridad upang makatulong sa pagpapalabas ng katotohanan at paghahatid ng katarungan para sa taumbayan.

Sinisiguro rin ng LANDBANK na hindi malilihis ng isyung ito ang misyon nitong patuloy na paunlarin at bigyang sigla ang sektor ng agrikultura, suportahan ang mga magsasaka at mangingisda, at isulong ang kanilang kapakanan bilang mahalagang bahagi ng ating lipunan. (LandBank)

Related Articles

National

Ruth Abbey Gita-Carlos, PNA

158
Views

National

Earl Tobias

142
Views