Tiniyak ni newly-appointed Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na naghahanda na ang mga lokal na pamahalaan para sa maaaring maging epekto ng Tropical Storm Kristine.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguraduhing ligtas ang mga residente sa mga lugar na dadaanan ng bagyo.
“All units have been mobilized. All local government units have been informed,” pahayag ni Remulla sa isang press briefing.
Kasabay nito, nagbaba na rin ng rekomendasyon ang kalihim sa mga lokal na pamahalaan para sa suspensyon ng klase sa Metro Manila at sa buong Luzon ngayong araw, Oktubre 22 hanggang bukas, Oktubre 23.
“Again, we advised all government units to suspend classes in the entire Luzon seaboard, buong Luzon ‘yan,” dagdag niya.
Patuloy rin na nagpapaalala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na manatiling nakaantabay sa weather update para sa mga pagbabago sa takbo ng panahon. – AL