IBCTV13
www.ibctv13.com

Libreng 1-M SIM cards, handog ng Marcos Jr. admin sa mga guro, estudyante sa liblib na lugar

Ivy Padilla
115
Views

[post_view_count]

Nakatakdang ilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang ‘Bayanihan SIM Project’ kung saan mamamahagi ng humigit-kumulang 1 milyong SIM card para sa mga guro at mag-aaral sa liblib na lugar.

Kasama ng DICT sa pagsulong ng three-year project ang National Economic and Development Authority (NEDA) na tutulong sa pagtukoy ng Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) sa bansa.

Ito ang tugon ng DICT sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang internet access sa bawat sulok ng Pilipinas.

Ayon kay DICT Undersecretary Paul Joseph Mercado, uunahing bigyan ng libreng SIM card na may buwanang alokasyon ng 25GB na internet ang mga guro at mag-aaral na magagamit nila sa pag-aaral.

Binigyang-diin ni Mercado na mahalagang makapagpatayo ng maraming digital infrastructure sa GIDA areas para mahikayat ang telecommunication companies na magkabit ng internet kahit sa malayo at liblib na lugar.

“Kapag malayo iyong lugar at hindi financially viable for them (telcos), hindi sila pumupunta; hindi sila magtatayo ng infrastructure eh,” paliwanag ni Mercado.

“So, ang ginawa na po namin sa DICT, kami na po ang maunang magtayo doon. Kapag nagtayo kami doon, maipakita namin sa MNOs (mobile network operators), ‘Ay, may benta pala dito,” dagdag niya.

Inaasahang magsisimula ang pag-arangkada ng SIM project sa pagtatapos ng ikalawa hanggang ikatlong kwarter ng taon. – VC