IBCTV13
www.ibctv13.com

Libreng toll fee, hatid ng bagong bukas na CAVITEX-C5 Link Segment 3B hanggang Abril 30 – PBBM

Kristel Isidro
138
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr., together with other key government officials, at the inauguration of CAVITEX-C5 Link Segment 3B in Parañaque City on Monday, March 30. (Photo courtesy of PCO)

Upang maibsan ang arawang gastusin ng mga motorista, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang libreng pagdaan sa bagong bukas na CAVITEX C5 Link Segment 3B simula ngayong Lunes, Marso 30, at magtatagal hanggang sa katapusan ng Abril.

Pormal na binuksan ang naturang connector road sa pangunguna ng Pangulo ngayong araw na inaasahang mapapakinabangan ng 36,000 mga pasahero bawat araw.

Mula sa dating isa’t kalahating oras, aabot na lamang sa 15 minuto ang itatagal ng byahe mula Parañaque City patungong Taguig City.

Layunin din ng bagong segment, na kumukumpleto sa lahat ng bahagi ng CAVITEX C5 Link, na mapabilis ang daloy ng kalakal at makatulong sa pagluwag ng trapiko lalo na ngayong panahon ng Semana Santa.

Ayon pa kay Pangulong Marcos Jr., malaking benepisyo ang hatid ng proyekto partikular sa pagtitipid ng gasolina sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.

“Hindi maliit na bagay ang bawasan ang byahe mula isa’t kalahating oras hanggang 15 minuto. Malaking savings ‘yan,” paliwanag ni PBBM.

Kasama naman ng Pangulo na nag-inspekyon sa CAVITEX-C5 Link Segment 3 sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez.

Samantala, sinabi ni Dizon na may inaasahan pang iba pang mga proyektong pang-imprastraktura na nakalatag sa bansa, kabilang ang nalalapit na pagbubukas ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX) na mag-uugnay sa Tarlac City at Cabanatuan City, Nueva Ecija. – MP