
Inilatag na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang mga hakbang na isasagawa ng pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng nakatakdang rehabilitasyon ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) simula Hunyo 13.
Isa sa mga pangunahing interbensyon ng DOTr ang pagpapatupad ng libreng toll fee sa Skyway 3 upang mapaluwag ang daloy ng trapiko para sa mga motorista at mahikayat silang umiwas sa mismong kahabaan ng EDSA.
Kasabay nito ay magdaragdag ng 100 bus sa EDSA Busway bilang karagdagang solusyon sa dagsa ng mga komyuter habang palalawakin naman ang kapasidad ng MRT-3 sa pamamagitan ng mga paparating na karagdagang tren.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes ang pinaplanong odd-even traffic scheme sa mga plaka, na eksklusibong ipatutupad sa kahabaan ng EDSA.
- Plakang nagtatapos sa 1, 3, 5, 7, 9 — bawal sa EDSA tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes (MWF)
- Plakang nagtatapos sa 0, 2, 4, 6, 8 — bawal tuwing Martes, Huwebes, at Sabado (TTHS)
- Linggo — walang restriction
Pinag-aaralan pa sa ngayon ng ahensya kung maglalagay ng window hours mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw depende sa daloy ng trapiko.
Narito naman ang iba pang interbensyon na ipatutupad ng mga kinauukulang ahensya kaugnay sa EDSA Rebuild:
- Lilinisin at aalisin ang lahat ng sagabal sa mga alternatibong ruta.
- Ipagbabawal ang pagdaan ng mga provincial bus sa EDSA mula 5AM hanggang 10PM. Papayagan lamang itong bumiyahe sa pagitan ng 10PM hanggang 5AM.
- Tatanggalin muna ang bike lane separators sa EDSA habang pansamantalang hindi papayagan ang mga motorsiklo na dumaan sa ilalim ng underpass o sa ibabaw ng overpass.
- Magkakaroon ng exclusive motorcycle lane sa kanan upang maiwasan ang “zigzagging” o biglaang paglipat-lipat ng linya ng mga motorsiklo na kadalasang nagiging sanhi ng aksidente o pagbagal ng trapiko. Kasalukuyan pa itong pinag-aaralan katuwang ang stakeholders.
Hiling ng DOTr at MMDA ang pang-unawa ng publiko habang isinasagawa ang mga reporma sa EDSA. – VC