IBCTV13
www.ibctv13.com

Libreng WiFi sa lahat ng pampublikong paaralan, target makamit ngayong taon — PBBM

Divine Paguntalan
118
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. during his visit at the Flora A. Ylagan High School in Quezon City on June 19, 2025. (Photo from PPA Pool)

Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paiigtingin pa ang pagpapalaganap ng libreng WiFi sa mga pampublikong paaralan sa bansa, partikular na sa mga liblib na lugar.

Sa kanyang pagbisita sa Flora Ylagan High School sa Quezon City ngayong araw, Hunyo 19, binigyang-diin ng Pangulo na isa sa mga pangunahing layunin ng kanyang administrasyon ay ang pag-abot ng 100% internet connectivity sa mga paaralan bago matapos ang 2025.

“Marami talagang magagawa kapag may internet na. Pararamihin pa natin ito, especially sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) at underserved areas,” pagtitiyak ng Pangulo sa ilang opisyal ng paaralan sa Batanes, Bulacan, Quezon Province, Marinduque, Camarines Sur, Cebu, Tawi-Tawi, Misamis Occidental, Surigao del Norte at Apayao sa isang video conference.

Iniulat ng Pangulo na may 60% paaralan na ang may access sa internet.

Isa sa mga isyu na kinakaharap ngayon ng proyekto ay ang kakulangan sa suplay ng kuryente, partikular sa mga liblib na lugar.

Sa ilalim ng koordinasyon ng Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications Technology (DICT), ipinatutupad ang malawakang proyekto na layuning tuldukan ang “digital divide” sa sektor ng edukasyon, at bigyan ng pantay na oportunidad ang lahat ng mag-aaral, saan mang panig ng bansa.

Tiwala si Pangulong Marcos Jr. na sa tulong ng tamang teknolohiya at pagkakaisa ng mga ahensya ng gobyerno, makakamit ang layunin ng isang makabagong edukasyon para sa Bagong Pilipinas. – VC

Related Articles